Panoorin ang video sa link na nasa ibaba at magbigay ng komento tungkol sa tanong/ mga tanong na kasunod nito.
Bakit kaya nagkaganito na ang mga kabataan ngayon? Sino kaya ang dapat na managot sa naging kalagayan ng mga bagong sibol na kabataan na dapat sana'y magiging sandigan ng bayang ito sa hinaharap?
http://www.gmanetwork.com/news/video/217018/24oras/ilang-batang-galing-sa-magkalabang-grupo-nagbatuhan-sa-tulay-sa-maynila
27 komento:
Ang unang balita lamang ang inyong panoorin. Ito ay tungkol sa mga batang nagbabatuhan sa tulay ng Maynila. Pangatwiranan ang inyong sagot. - MsK
Theresa Largo
8-Berchmans
Ang kabataan ay nagsimula bilang mga maliliit na bata na nangangailangan ng gabay ng kanilang mga magulang upang matutunan nila ang mga kagandahang asal. Ang ugali ng kabataan ay nahuhubog ng kanilang pinagdaanan at ng mga natutunan nila noong sila ay bata pa. Sa pagkukulang ng bawat magulang, nalilingon sa masamang landas ang kabataan. Para sa akin, ang tanging dahilan kung bakit naging ganoon ang mga dalagita at binatilyo sa kasalukuyan ay ang pagkukulang ng mga magulang sa tamang paggabay sa kanila. Kung naroon lamang ang kanilang mga magulang sa tabi nila noong lumalaki pa sila, tiyak na maiiwasan ang mga problemang ito.
Ang mga kabataan sa kasalukuyan ay lubhang napapariwara na at nalilihis mula sa tamang landas. Sila ay dapat nag-aaral subalit sila pa ang dahilan at pasimuno ng mga kaguluhan sa ating lipunan. Ang usaping ito ay ating masisisi sa mga pabayang magulang at sa pamahalaan. Kailanman ay hindi nalutas ang isyu tungkol sa kahirapan dito mismo sa ating bansa na siyang pangunahing dahilan kung bakit may nagaganap na ganitong mga pangyayari. Ang mga kabataan ay dapat nag-aaral, nakikita sa paaralan at gumagawa ng mga makabuluhang bagay upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan sa hinaharap.
Naging ganyan ang mga kabataan ngayon dahil sila ay nawala sa landas ng kanilang buhay. Ito ay pwedeng mangyari kung hindi sila ginabayan ng kanilang mga magulang sa tamang landas ng kanilang buhay. Para sa akin ang mga magulang at ang kanilang sarili ay ang dapat managot dahil ang mga magulang ay ang dapat na nagtuturo ng tamang gawain sa buhay para ang mga anak nila ay mapunta sa tamang landas ng buhay. Ang kanilang sarili naman ay dapat rin managot dahil dapat hindi nila pinabayaan ang kanilang mga sarili at dapat nag-isip sila ng paraan para maayos ang kanilang buhay.
Sa tingin ko po, ang mga kabataan ngayon ay nagkaganito dahil gusto nila maging malaya at gawin kung ano ang gusto nilang gawin. Bilang isang bata, mas gusto po naming maging malaya at maging masaya habang kami'y bata pa. Ngunit, sobra na ang ginagawa ng iba kung kaya'y nagdudulot na ito ng kaguluhan o minsan rin kung mayroong aalis sa kasiyahang ito ay maaring hahanap kami ng paraan upang maibalik ito (sa pamamagitan ng kaguluhan o pagrerebelde sa mga nakakatanda). Sa palagay ko, ang dapat managot sa kalagayan ng mga kabataan ngayon ay ang mga magulang dahil sila ang mga unang guro ng mga bata . Ngunit, hindi dapat natin sisihin ang ating mga magulang kung masama ang ugali dahil may sarili naman tayong utak at alam naman natin kung ano ang tama o mali. Kaya, ang maaring managot sa kalagayan ng mga kabataan ngayon ay ang ating mga magulang ngunit dapat rin nating isipin na may sarili rin tayong isipan kaya maaari ring ang mga kabataan ang nagdudulot ng kaguluhan sa kanilang buhay.
Marahil ang mga kabataang ito ay di nagabayan ng maayos ng kanilang mga magulang. Sinasabing ang kabataang hindi nakaranas ng pag-aaruga at pagmamahal sa loob ng tahanan ay sa labas naghahanap ng mapaglilibangan upang malimutan ang sama ng loob na nararamdaman. Malaki ang ginagampanang papel ng mga magulang sa paghubog ng pagkatao ng bawat bata. Hindi man perpekto pero may puso at pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa pamilya. Di ko masasabi na ang mga magulang lang ang kailangang managot sa di maayos na pag-uugali ng mga kabataan dahil malaki rin ang papel na ginagampanan ng lipunan na siyang dapat mangasiwa sa problema ng mga naghihikahos na komunidad.
Ang mga kabataan ngayon ay nahihikayat sa iba't ibang gawain gaya ng ipinakita sa balita dahil sa mga impluwensiya sa kanilang mga paligid. Sa aking pananaw, ang isa sa mga ito ay ang kahirapan. Sa kahirapan, tayo ay karaniwang natutukso sa mga gawain na ito dahil sa kakulangan ng kanilang mga pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay. Maaring sumasalungat rin ang mga ideya at ang mga nakagawiang bagay kaya nagkakaroon ng di pagkakaunawaan mula sa dalawang panig at marami pang iba. Ngunit sino nga dapat ang sisihin sa mga pangyayaring ito? Ang mga magulang ay dapat may ginanap na tungkulin kung saan binibigyan nila ng sapat na pag-aaruga ang kanilang mga anak. Ngunit, dahil sa iba't ibang kadahilanan gaya ng trabaho o pansariling kapakanan, napapabayaan ang kanilang mga anak. Ang pamahalaan rin ay dapat gumawa ng mga kilos upang hindi lumubha ang kalagayan ng krimen sa kabataan.
Ngunit, tayo ang may-ari ng ating buhay, tayo ang gagawa ng mga sarili nating desisyon sa buhay na maghahatid sa atin sa mga kasagutan ng ating mga problema, ang susi sa kasiyahan at kasaganahan o marahil kalungkutan at pagsisi sa huli.
-Samuel Tristan Agpawa III
8-Berchmans
Karamihan sa mga kabataan sa kasalukyang panahon ay nagiging iresponsable at pabaya sa kanilang buhay at ano ang maging epekto nito sa kanilang kinabukasan.Para sa akin,ito ay dahil kulang ang pag-aasikaso ng kanilang mga magulang o ang kani-kanilang mga pamilya dahil sa kahirapang pinagdadaanan nila.Dahil dito,dapat magpaabot ng tulong ang pamahalaan sa mga batang nangangailangan ng tulong.Sa ganitong paraan,maudyukan ang mga bata sumunod ng batas at maging mas responsable sa kanilang ginagagawa bilang isang mamamayan sa bansang Pilipinas.Lalo na,maging mas bukas ang kanilang isip na maging matiyaga sa buhay at huwag mawawalan ng pag-asa.
Sa tingin ko, kaya naging ganito ang ugali ng mga kabataan ngayon ay dahil sa kakulangan o kawalan ng patnubay ng mga magulang sa kanilang mga anak. Totoong kailangan ng bawat bata ng magulang upang gumabay sa kanila sa tamang landas. Dapat disiplinahin ng bawat magulang sa tamang paraan ang kani-kanilang mga anak habang ito ay bata pa upang hindi ito lumaking suwail o masama. Isang mahalagang bagay ang paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak habang ito ay lumalaki. Kung kaya'y masasabi kong ang mga magulang ng mga batang iyon ang kailangang managot at responsable sa nangyari dahil hindi nila ginabayan ang kanilang mga anak.
Nagkaganito ang mga bata ngayon lalo na ang mga bata na nasa pamilyang hirap. Dahil sa pagkakulangan sa kanilang edukasyon, sila ay nagiging mga batang kalye na walang makakain at walang mangyayari sa kanila. Sila din ay hindi pinapakialaman ng kanilang magulang kaya gumagawa sila ng mga bagay na hindi maganda.
Magandang araw!
Para sa ibang nagpost na hindi pa ninyo nababasa, maaaaring nangngailangan ng pagwawasto ang inyong mga sinulat batay sa baybay, gamit ng salita, mga bantas o kaya ay may kulang ang diwa o kaisipan...
PATULOY LAMANG NA MAG-POST... LIBRE 'TO.:)
Sa panahon ngayon, sa murang edad ng mga kabataan, marami ng masasaklap, mababangis at di katanggap-tanggap na karanasan ang nangyari sa buhay nila na sumasalamin sa iba't ibang katangiang taglay nila sa kasalukuyan. Itong mga bagaheng dala-dala nila ay ang siyang tumutulak sa kanila upang makiisa sa mga grupong walang dinulot na kabutihan sa bayan kundi ang pagpapakita ng pag-aalsa. Marami sa mga kabataang higit na apektado sa isyung ito ay iyong may mga pagkukulang sa buhay. Hindi natin masisi ang mga magulang ng mga batang ito sa kahirapang kanilang nararanasan maging ang mga batang ito sa pagpili ng kanilang landas. Ngunit sisihin natin ang ating mga sarili na pinabayaang mabaon sa kahirapan ang ating mga kababayan, kailangan nating gumawa nang aksyon at huwag hayaang maging madilim ang ating kinabukasan.
Ang mga kabataan ay pinupuna ng mga matatanda ng hindi man lamang napagtanto kung sino ang nagpalaki sa kanila. Sa tingin ko kung bakit nalilihis sa tamang landas ang mga kabataan ngayon ay dahil lamang sa kakulangan ng mga magulang nila na disiplinahin sila. Hindi natin masisisi ang mga bata sapagkat wala naman silang naiintindihan kung ano ang nangyayari sa kanilang paligid. Kaya dapat laging nakaantabay ang mga magulang upang kanilang ipaunawa sa bata kung ano ang nangyayari upang kanilang maintindihan ito at malaman nila kung ano ang tama at ano naman ang mali.
Sa kasalukuyan, talamak na ang mga krimen sa ating bayan. Nakakalungkot ngang sabihin na iilan sa mga kabataan natin ay nasasangkot na sa mga ito. Kaming mga kabataan ay dapat na nakikita sa paaralan upang matuto ng mga produktibong bagay, hindi yung palaboy-laboy lamang sa lansangan at gumagawa ng mga kabulastugan o di kaaya-ayang gawain ng isang bata.
Ang mga kabataang tulad ko ay nangangailangan ng tamang patnubay at gabay upang hindi mapariwara at malihis sa tamang landas. Ang tungkuling ito ay nakaatas sa ating mga magulang. Tayo'y nararapat nilang bigyan ng atensyon at oras upang tayo'y magabayan sa bawat desisyon natin sa ating buhay, habang tayo ay wala pa sa hustong edad. Ang mga kabataan ay dapat na maging responsable,may dignidad, at pangarap sa buhay. Ang pamahalaan ay may tungkulin din tungkol sa isyung ito. Nararapat lamang na patawan nila ng tamang parusa ang mga kabataang nasasangkot sa mga krimen upang matuto talaga sila at hindi na uulitin ang nagawang kamalian.
Para sa akin, ang mga magulang sa isang pamilya at ang ating pamahalaan ay dapat na mag tulungan upang makapagbigay ng isang magandang ehemplo o halimbawa sa bawat kasapi ng lipunan na nasa mura pang edad. Bilang isa sa mga kabataan, naniniwala ako na ang mungkahi kong ito ay makakatulong sa pagpigil sa nakakabagabag na isyung ito. Kailangan natin itong tugunan upang sa hulihan ay hindi natin masabi na ang mga kabataan na dapat pag-asa ng lipunan, ay naging isa pa sa hadlang ng pag-unlad ng ating bayan.
Nagkakaganito ang mga kabataan ngayon dahil sa kakulangan ng patnubay at gabay ng kani-kanilang mga magulang at kung sa gayon ay nawala sila sa tamang pamamalakad ng buhay. At dahil dito, ang mga magulang nila ang dapat sisihin dahil isa sa responsibildad nila na gabayan ang kanilang mga anak upang maging maayos ang buhay nila sa paglaon ng panahon. At dapat rin na sila'y maging mabubuting tao sapagkat ang mga kabataan ngayon ay mga instrumento ng pag-unlad ng ating ngayon at ang ating hinaharap.
Ang mga bata sa balitang ito sa aking palagay ay nagkaganito sapagkat sila ay napabayaan ng kani-kanilang mga magulang. Hindi sila naturuan ng magagandang asal na magagamit nila sa pangaraw-araw, o laging wala ang kanilang mga magulang upang gabayan sila sa kani-kanilang mga gawain. Dahil dito, nahubog sila sa ugaling pang-"gangster" dahil sa kanilang isipan ito ang uso, at ang tamang paraan ng pagtahak ng problema. Sila ay nawalay sa tamang landas, na nagresulta sa balitang ito. Kung ginabayan at sinamahan lamang sila ng kanilang mga magulang, siguradong hindi tayo magkakaroon ng problemang ito.
Ang mga bata ay nagkakaganito ngayon dahil sila ay kulang sa disiplina. Maaaring dahil sila ay hindi nagabayan ng mabuti o kaya'y walang nagturo sa kanila ng magagandang asal. Ang mga sanhi nito ay pagiging pabaya ng magulang, pagkamatay nila, o pagkawalan ng mga mamamayang naglakas-loob na ipadala o ipa-ubaya ang mga batang ito sa DSWD.
Upang masolusyonan ang isyung ito, kailangan ng pagbabago. Kailangang maging mas responsable ang bawat mamamayan. Ang mga magulang ay dapat maging maalaga sa mga anak. Mabuti dapat ang pagpapalaki nila sa mga anak sa pamamagitan ng tamang paggabay sa mga anak. Dapat din nilang iparamdam ang kanilang pagmamahal sa anak. Ang mga nakasaksi ng pagwawala ng mga bata ay dapat magsumbong sa DSWD. Samantalang, ang pamahalaan ay dapat maglunsad ng mga programa upang matulungan ang mga batang nagkakaganoon.
Para sa akin, nagkaganito ang mga kabataan ngayon dahil sa maling gabay ng mga nakakatatanda, impluwensya ng kanilang kapaligiran, at ang kagustuhang maging malaya. Isa na rin dito ang pag-aaruga ng magulang na sa tingin ng isang bata, ay kulang. Dahil dito, karamihan sa aming mga kabataan ay nagrerebelde sa magulang at sumusuway sa mga utos ng mga nakakatanda, maging ang pagsuway sa batas. Naniniwala akong hindi ang kanilang mga sarili ang dapat managot sa kalagayan nila sapagkat wala pa sila sa tamang isip. Bagkus, ang mga magulang dapat ang managot sa naging kalagayan ng mga kabataan ngayon. Sila man ay ipinanganak at lumaking mahirap, dapat alam nila ang tamang paggabay sa bata. Sila din ang dapat managot dahil sila ang may responsibilidad na gabayan ang kanilang mga anak sa tamang landas at ang pagbibigay ng sapat na pangangailangan sa pang araw-araw, edukasyon, at pagmamahal ay sa kanila rin. At sa tingin ko, masosolusyunan ang problemang ito sa pamamagitan ng pagbigay ng tulong ng ating pamahalaan sa paggabay sa kabataan, maging ang mga magulang, para sa mas magandang kinabukasan.
Sa tingin ko po, nagkaganito ang mga kabataan ngayon sapagkat kulang sila ng kalinga at pagmamahal ng isang magulang o ng isang pamilya. Alam naman po natin na ang ating mga sariling tahanan ang nagsilbing kaunaunahang lugar kung saan tayo ay natuto. Ang ating mga magulang naman ang nagsilbing mga guro. Dito natin natututunan ang tamang asal, paggalang sa kapwa at sa matatanda, pagmamahal sa diyos at iba pa. Mga bagay na hindi karaniwang itinuturo sa paaralan. Ngunit sa panahon ngayon, maraming mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak. Karaniwang rason dito ay ang pagkabigo siguro nila sa kanilang mga pangarap o di kaya ang paglisan nila sa tabi ng kanilang mga anak. Kung naturuan lang sana nila ng tamang asal ang kanilang mga anak at kung ginabayan lang sana nila ito nang maayos, lalaki silang magalang, may pagmamahal sa kapwa, may sariling paninindigan at higit sa lahat may matinding pananalig sa Diyos.
Nakakalungkot na makita ang mga kabtaang ito na nagtatalo sa pamamagitan ng pagbabatuhan.Sa asking palagay ang dapat sisihin sa kanilang mga gawain ay ang kanilang mga magulang.Ang kanilang mga magulang dahil tungkulin nilang gabayan ang kanilang mga anak sa tamang landas.kapag nabigo ka sa iyong tungkulin yan ang posibleng mangyari sa inyong mga anak.
-Seigi Matsuura
8-Pignatelli
Ang mga bata ngayong panahon ay naging marahas sapagkat, may mga batas na nagsaad tungkol sa "Child Protection" na isang dahilan kung bakit naging maabuso ang mga kabataan ngayon. Ang mga batas na kagaya ng "Juvenile Law" na ipinagbabawal ang pagkukulong ng isang bata nasa edad 18 years old pababa ay inaabuso ng mga kabataan sapagkat hindi pa sa tamang edad. Sa opinyon ko, ang problemang ito ay malulutas lamang kung nandyan ang mga kapamilya niya upang maging gabay sa pagiging isang mabuting bata.
Sa aking palagay, ang kabataan ngayon ay nagkaganito dahil sa kakulangan ng pagmamahal at pansin galing sa kanilang mga magulang. Ang pagmamahal ay hindi lamang ang pagtupad sa mga pangunahing kinakailangan kundi ang pagdidisiplina at paggabay. Kung ang kabataan sana ngayon ay binigyan ng disiplina at gabay, sila'y hindi mapupunta sa maling landas. Sa ibang lagay na man, ginagawa lamang ng bata ang mali para makuha ang atensyon ng mga magulang. May ibang kabataan na nakakaramdam ng kakulangan ng atensyon galing sa mga magulang at sa kanilang isip ay makukuha lamang nila ito sa pamamagitan ng paggawa ng mali. Ang mismong mga magulang ng kabataan ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakaganito ang kabataan ngayon. Kung sila sana ay nabigyan ng pagmamahal at pansin ang anak, tiyak hindi ito mangyayari. Importante na ang bata ay nakakaramdam ng pagmamahal at pansin upang sila ay mapatungo sa tamang landas. Ang mga pinagdaanan ng kabataan ay nakakaapekto sa kanilang paglaki. Kaya naman sa bahay ay dapat may disiplina, pagmamahal at pansin na nararamdaman ang bata sa murang edad pa lang.
Taliwas sa inaasahan ng lipunan na ang kabataan ang magsisilibing sandigan ng bayan, marami sa ating kabataan ngayon ang nabulag sa kanilang mga responsibilidad bilang mga pag-asa ng bayan at nalihis na ng landas. Masasabing may pananagutan ang mga magulang ng mga kabataang ito higit kaninuman. Bilang mga magulang, obligasyon nilang gabayan at disiplinahin ang kanilang mga anak, bigyan ng magandang buhay at maayos na kinabukasan. Maaring may pananagutan din ang pamahalaan at mga makabagong teknolohiya. Ang mga programang pangkabataan ay hindi gaanong nabibigyang pansin ng pamahalaan at marami sa mga kabtaan ngayon ay naaadik na sa mga online games at iba pang bisyo na syang dahilan kung bakit nakakalimutan nila ang kanilang pag-aaral na sana ay susi sa kanilang magandang kinabukasan.
"Kabataan ang pag-asa ng ating bayan." Mula noon ang hanggang ngayon ay naniniwala ako sa kasabihang ito. Subalit ano na nga ba ang nangyayari
sa kabataan nating ngayon? Karamihan sa kanila ay mga walang galang at hindi nirerespeto ang isa't isa. Kadalasan sila pa ang pasimuno sa mga nangyayaring kaguluhan sa ating lipunan. Kagaya na lamang sa balitang ating napanood. Sa aking palagay, isa sa dahilan kung bakit nagkakaganyan ang mga kabataan ay dahil sa pagpapabaya ng kanilang mga magulang. Naniniwala ako na walang masamang bata kung may tamang gabay ng kanilang mga magulang. Isa pa sa maraming dahilan kung bakit nagkaganyan ang kabataan ay ang kanilang mga sarili. Sapagkat kung mayroon silang sariling desisyon hindi sila gagawa ng mga bagay na makakasira sa kanilang kinabukasan.
Ang mga kabataang ito ay patungo sa maling landas ng buhay. Inaaksaya nila ang kanilang pagkakataon na maging sandigan ng bayan sa hinaharap. Posible ay naimpluwensya sila sa kanilang mga nakikita sa kanilang paligid. Ang mga kaganapan kasi sa ating lipunan sa kasalukuyan ay hindi sa lahat ng pagkakataon kanais-nais. Bukod dito, maaari rin silang nagkaganito dahil sa kakulangan ng wastong edukasyon, mahigpit na pagdidisiplina at sapat na gabay mula sa kanilang mga magulang. Marahil ay nagkaroon sila ng mga kakulangan na ito dahil sa kahirapan ng buhay. Para sa akin, naging ganoon ang kabataan dahil sa kakulangan ng kanilang mga magulang. Kinakailangan ng bawat magulang na tutukan ang paglaki ng kanilang mga anak. Sa pamamagitan nito, magagabayan nila sila patungo sa wastong landas ng buhay. Ito naman ay bubunga ng mas malaking populasyon ng kabataan na posibleng makatulong sa ikauunlad ng bayan.
By:
KC Anthony Obedencio
8 - Xavier
Ang mga kabataan ay isang ehemplo ng pagkamit ng magandang pagbabago dito sa bansang Pilipinas. Sila ay ang pag-asa ng bansa upang ito’y umunlad sa hinaharap. Ngunit sa kasalukuyan, ito pa nga ba ang pangunahing hangarin o layunin ng mga kabataan?
Sa panahong ito, maraming kabataan ang lulong sa mga masasamang impluwensiya sa buhay. Ang iba naman ay nagrerebelde o gumagawa ng mga di kaayang-ayang gawain tulad nalang ng pagbibisyo. Tunay na naligaw ang mga landas ng mga kabaatang ito na dapat sanang nag-aaral sa kani-kanilang mga paaralan para sa ikabubuti ng kanilang kinabukasan.
Tungkol sa video na aking napanuod, sa tingin ko ay nagkakaganito ang mga kabataan ngayon, dahil sa di wastong pagdidisiplina ng mga magulang. Sa tingin ko rin na dahil sa pagpapabaya ng mga magulang sa kanilang mga anak kaya’t sila’y nagkakaganito. Ang pagdidisiplina ay napakahalaga dahil ito’y nagtitiyak ng magandang ugali sa mga bata. Ang prosesong ito ay makabuluhan sa pag-unlad ng buhay ng mga bata sa kinabukasan.
Upang maiwasto ang suliraning ito, ang mga magulang ay dapat maging responsable sa pagpapalaki ng kanilang mga anak. Dapat rin nilang tutukin ang kanilang mga anak ng mabuti upang ito’y makaiwas sa masasamang impluwensiya.
Kung ito’y patuloy na mangyayari, tiyak na mawawala na ang uri ng problema na ito at ang kabataan ay tunay na uunlad kasama na rin ang bansang Pilipinas.
Sa aking palagay, nagkaganito ang mga kabataan ngayon dahil sa pagpapalaki sa kanila ng kani-kanilang mga magulang at ng mga di-nakakabuting bagay na nag-iimpluwensya sa kanila. Ang mga magulang ang dapat na mananagot sa naging kalagayan ng mga bagong sibol na kabataan na dapat sana'y magiging sandigan ng bayang ito sa hinaharap. Ang kanilang mga magulang, na dapat maging responsable sa kanilang mga anak, ay naging pabaya. Dapat sila'y minamahal at pinagtutuunan ng pansin upang hindi sila malihis sa tamang landas. Dapat hindi nila pinapabayaang gumagala ang kanilang mga anak kung saan-saan lalo na sa gabi para mamasyal at makipagkita sa kanilang mga "kaibigan" na may mga masasamang balak. Dapat sila ay nasa paaralan, nag-aaral upang magkaroon ng mabuting kinabukasan o nasa bahay tumutulong sa mga gawaing bahay at nag-aaral. Dapat gumagawa sila ng mga gawaing produktibo at nakakabuti para sa kanila. Dapat hindi sila nagtatambay sa mga lansangan at tulay kung saan maaari silang maimpluwensya ng mga masamang tao. Isa pang bagay na maaaring nagdulot sa pag-uugaling ito ay ang kalagayan sa kani-kanilang mga tahanan, maaring mayroong pang-aabuso na nagpakilala ng karahasan at masasamang moralidad sa kanilang mga anak. Sila'y naging halaghag sa mga biyaya at oportunidad. Maaari ring tinularan lamang ng mga anak ang kanilang mga magulang na lasinggero o masama kaya sila'y nagkaganito. Ang panonood at pagbabasa ng mga materyales na nagpapahiwatig ng masasamang bagay ay maaari ring nag-impluwensya sa kanila. Dapat mananagot din ang mga masasamang kaibigan o mga taong nag-iimpluwensiya sa mga kabataan na maging ganito. Kaya dapat ang mga magulang ay maging responsable. Kung hindi sila handa na magkaroon ng pamilya, dapat hindi nila itong pasukin. Dapat piliin rin natin ang ating mga pinapanood at binabasa at piliin ang mga taong ating kinakaibigan.
-Bea Peñaranda
8-Xavier
Mag-post ng isang Komento